Nasawi ang isang 40-anyos na lalaki habang nangangaso sa kabundukan ng tri-boundary ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Abra, matapos siyang barilin ng kasama na una umanong nagsabing napagkamalan siyang baboy-damo.

Ngunit ayon sa imbestigasyon ng pulisya, maaaring hindi aksidente ang pamamaril.

Batay sa imbestigasyon ng Cabugao, Ilocos Sur Police Station, lumilitaw na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa tungkol sa hatian sa napatay nilang baboy-damo bago naganap ang insidente.

Ayon kay Police Captain Elison Pasamonte, may testigo ring nagsabing binaril talaga ng suspek ang biktima, at hindi ito dahil sa pagkakamali gaya ng unang sinabi.

Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng biktima lalo’t hindi agad isinuko ng suspek ang ginamit na baril, na lalong nagpalalim sa kanilang pagdududa.

-- ADVERTISEMENT --

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.