Wala nang buhay nang matagpuan ang isang mangingisda na kukuha lamang sana ng isda para pananghalian ng pamilya matapos malunod nang bigong makaahon sa ilalim ng tubig sa dagat sa bayan ng Calayan, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si Nelson Espana, 32-anyos at residente ng Brgy Dadao sa nasabing bayan.
Ayon kay Joe Robert Arirao ng Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office, dakong alas 10:00 ng umaga nangingisda si Espana sa pamamagitan ng spearfishing nang nagtaka ang kanyang asawa dahil hindi pa ito bumabalik.
Agad naman itong nagpasaklolo, subalit bigo itong matagpuan hanggang sa marekober ang bangkay ng biktima kinabukasan sa layong 60 hanggang 100 metro mula sa bahura kung saan ito sinasabing sumisid.
Sinabi ni Arrirao na posibleng nahirapang makalangoy sa ilalim ng tubig ang biktima at hindi na nakaahon pa.