
Nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa publiko na lumikha ng ligtas na espasyo para sa mga kabataan upang malaya nilang maibahagi ang kanilang mga pinagdaraanan, kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante noong Agosto 18.
Ayon kay Cardinal Advincula, hindi lamang pisikal na sugat ang idinudulot ng karahasan sa mga paaralan, kundi naaapektuhan din ang pakiramdam ng seguridad at tiwala ng mga mag-aaral.
Hinimok niya ang publiko na higit na pakinggan ang mga kabataan, lalo na ang mga tahimik na dumaranas ng kalungkutan, pangamba, problema sa pamilya, bullying at pressure sa pag-aaral. Aniya, dapat silang magkaroon ng lugar kung saan maaari silang magsalita nang walang takot sa panghuhusga at makahingi ng tulong nang walang hiya.
Hiniling din ni Cardinal Advincula ang panalangin para sa paggaling at paghilom ng buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga, kasabay ng panawagan para sa pagkakaisa sa pagsusulong ng malasakit, pakikipag-usap at pag-aaruga sa kapwa.










