Naghain si Atty. Manases Mans Carpio ng P7.3 milyong civil lawsuit laban kay Ramil Madriaga at iba pang indibidwal na sangkot sa impeachment complaints laban sa kanyang asawang si Vice President Sara Duterte.

Isinampa ang kaso sa Davao City Regional Trial Court noong Abril 29, 2026. Kabilang sa mga inirereklamo sina Madriaga, Joel Saballa, at iba pang tinukoy bilang co-conspirators sa umano’y paninira sa reputasyon ng bise presidente.

Ayon kay Carpio, sinira ng mga akusado ang reputasyon ng kanyang asawa at naapektuhan din ang kanyang pangalan bilang abogado. Giit niya, bahagi umano ito ng black propaganda na layong sirain ang political standing ni Duterte.

Humihingi siya ng P1 milyon bilang actual damages, P3 milyon moral damages, P3 milyon exemplary damages, at karagdagang P300,000 para sa attorney’s fees at litigation expenses.

Nauna rito, muling nag-impeach ang House of Representatives kay Duterte dahil sa iba’t ibang alegasyon kabilang ang graft and corruption at betrayal of public trust.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, itinanggi ng kampo ni Madriaga ang mga paratang at sinabing hindi pa nila natatanggap ang kopya ng reklamo. May ilang mambabatas naman na nagsabing posibleng harassment ang kaso laban sa mga nagsampa ng impeachment complaint.