Inihayag ng prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na mayroon itong nasa 421 documents, siyam na larawan, at halos 16 na oras nja audio at video files na gagamiting ebidensiya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa sandaling haharap na siya sa tribunal sa Setyembre.

Kabilang ang mga ito sa detalye ng mga ebidensiya na hawak ng prosecution at bilang tugon sa kautusan ng Pre-Trial Chamber 1 ng ICC na ilabas ang mga impormasyon bago ang confirmation of charges hearing sa September 23.

Ang confirmation of charges ang tutukoy kung kailangan na ipagpatuloy o hindi ng korte ang paglilitis kay Duterte para sa murder bilang crime against humanity may kaugnayan sa war on drugs.

Una rito, sinabi ni Karim Khan, pinuno ng prosecution, karamihan sa mga ebidensiya ay mula sa aplikasyon ng warrant of arrest.

Hindi na tinukoy ni Khan ang nilalaman ng mga dokumento, mga larawan, videos at audio recordings.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, posibleng gamitin ng prosecution ang karagdagang mga ebidensiya habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga pagpatay noong drug war, kung saan kinabibilangan ito ng nasa 168,575 items na una nang pinag-aralan o ang iba ay kasalukuyan pang pinag-aaralan.