Uminit ang pagdinig sa Senado nitong Martes matapos payuhan ni Senador Loren Legarda si Senador Rodante Marcoleta na kumuha ng master’s degree sa national security upang mas mapalalim ang kaalaman sa kasaysayan ng Spratly Islands.

Nag-ugat ang tensyon sa pagkuwestiyon ni Marcoleta sa papel ng Filipino adventurer na si Tomas Cloma sa pagkatuklas ng Kalayaan Island Group (KIG), na nauna nang nabanggit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa pagdinig.

Iginiit ni Legarda na mahalagang nakabatay sa tamang konteksto ng kasaysayan ang mga pahayag ng mga mambabatas, lalo na sa usapin ng West Philippine Sea.

Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, sinabi ni Marcoleta na mali umano ang pagkakabanggit na si Cloma ang nakatuklas ng Spratly Islands, kung saan kabilang ang Kalayaan Island Group.