
Itinanggi ni Senator Rodante Marcoleta na nakipagsabwatan siya kay dating Marine Orly Guteza para gumawa ng mga alegasyon laban kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects.
Sa pahayag ni Marcoleta, tinawag niyang “spurious” o kahina-hinala ang bagong affidavit ni Guteza, na nagsasabing sina Marcoleta at dating kongresista Mike Defensor ang umano’y nag-udyok sa kanya na gumawa ng mga paratang kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.
Iginiit ni Marcoleta na hindi makatotohanan ang naturang salaysay dahil noon ay hindi niya personal na kakilala si Guteza at wala umano siyang sapat na oras para makipagsabwatan dito.
Samantala, sinabi ni Marcoleta na posibleng napilitan si Guteza na bawiin ang kanyang naunang pahayag dahil sa umano’y banta sa buhay at kalayaan ng kanyang asawa at mga anak.
Una nang sinabi ni Guteza na personal niyang inihatid ang mga maleta ng pera sa mga tirahan nina Romualdez at dating kongresistang si Zaldy Co. Kalaunan, binawi niya ang naturang pahayag at inakusahan sina Marcoleta at Defensor na siyang nag-orchestrate ng kanyang mga alegasyon.
Ayon kay Marcoleta, nananatili siyang naniniwala sa naunang testimonya ni Guteza, na aniya ay naglalaman ng detalyadong salaysay batay sa personal nitong kaalaman.










