
Kinondena ni Senator Rodante Marcoleta ang planong paghahain ng Office of the Ombudsman ng kasong plunder at indirect bribery laban sa kanya, kasabay ng pahayag na inaasahan na niyang maaresto anumang oras.
Ayon kay Marcoleta, ang kaso ay may kaugnayan sa kanyang isinagawang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project. Iginiit din niyang bahagi ito ng umano’y planong patahimikin ang mga senador na kaalyado ni Vice President Sara Duterte bago ang impeachment trial.
Mariin namang itinanggi ng Office of the Ombudsman ang akusasyon at sinabing nakabatay sa sariling pag-amin ni Marcoleta ang kasong isasampa laban sa kanya, kabilang ang pagtanggap ng P75 milyong campaign contribution na hindi umano idineklara sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Binigyang-diin ng Ombudsman na ang paghahain ng kaso ay usapin ng pananagutan sa ilalim ng batas at hindi ng pulitika.










