Inilarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit bilang pagkakataon upang sama-samang tugunan ng mga miyembrong bansa ang mga kasalukuyang hamon sa rehiyon.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng tatlong araw na summit ngayong Linggo, Nobyembre 15, binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangang palakasin ang pagtutulungan ng mga bansa laban sa mga transnational crime, kabilang ang human trafficking, cybercrime at online scams, gayundin ang maritime cooperation.

Ayon kay Marcos, mahalaga ang mga magiging desisyon ng ASEAN at mga katuwang nitong bansa upang matugunan ang kasalukuyang hamon, mapakinabangan ang mga oportunidad sa hinaharap at mapaghandaan ang pangangailangan ng susunod na henerasyon.

Ang Pilipinas ang nagsisilbing chair ng ASEAN ngayong 2026 sa ilalim ng temang “Navigating Our Future, Together.”

Sa nasabing seremonya, inilunsad din ang bagong ASEAN emblem at ipinakita ang updated na watawat nito.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, iginawad kay Hla Hla Aung ng Myanmar ang ASEAN Prize ngayong taon bilang pagkilala sa kanyang ambag sa disaster management, preparedness at pagpapalakas ng kahandaan ng mga komunidad sa mga sakuna.