
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na kasinglala ng dati ang pagbaha sa Las Piñas City, matapos makita ang epekto ng patuloy na dredging at paglilinis ng mga drainage system.
Ayon sa Pangulo, mula sa dating halos dibdib ang taas ng baha, mas mababa na ito ngayon at hindi na umaabot sa tuhod. Gayunman, aminado siyang marami pang kailangang gawin upang tuluyang maresolba ang problema sa pagbaha.
Sinabi ni Marcos na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang dredging sa mga ilog at spillway katuwang ang mga lokal na pamahalaan. Iniutos din niya kay Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na repasuhin at ipagpatuloy ang matagal nang nakabinbing Las Piñas spillway project.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang wastong pagtatapon ng basura matapos umanong makadagdag sa pagbaha ang mga basurang bumara sa drainage canals sa Parañaque. Kasabay nito, ipagpapatuloy ng pamahalaan ang waste-to-energy program at pag-aaral ng mga paraan upang maimbak at mapamahalaan ang sobrang tubig bago ito makarating sa mga lugar na madaling bahain.










