Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginawa ng kanyang administrasyon ang lahat ng nararapat upang mabawasan ang epekto ng krisis sa langis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan. Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na agarang kumilos ang pamahalaan upang magbigay ng ayuda sa mga tsuper, operator, at mga commuter na labis na naapektuhan ng mataas na presyo ng petrolyo.

Ayon kay Pangulong Marcos, kabilang sa ipinatupad na mga hakbang ang cash assistance sa mahigit 1.8 milyong tsuper at operator sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations at TUPAD Tuloy-Pasada Program, piso kada litrong diesel subsidy para sa mga jeepney at UV Express, service contracting program, libreng sakay, at diskuwento sa pamasahe sa iba’t ibang uri ng pampublikong transportasyon, kabilang ang 50 porsiyentong bawas-pasahe sa LRT-2 at MRT-3.

Dagdag pa ng Pangulo, binawasan din ng pamahalaan ang iba’t ibang bayarin sa mga pantalan at nagpatupad ng espesyal na diskuwento sa mga truck na akreditado ng Department of Agriculture upang makatulong sa sektor ng agrikultura. Aniya, dahil sa mga hakbang na ito, milyun-milyong Pilipino ang nakinabang sa gitna ng patuloy na mataas na presyo ng langis.