
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng mga bagong embahada ng Pilipinas sa Astana, Kazakhstan at Accra, Ghana bilang bahagi ng pagpapalawak ng ugnayang diplomatiko ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa Vin d’Honneur sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na layunin ng mga bagong embahada na magbigay ng mas madaling serbisyong konsular sa mga Pilipino sa ibang bansa at palakasin ang relasyon ng Pilipinas sa mga nasabing bansa.
Bukod dito, sinabi rin ni Marcos na isinusulong ng pamahalaan ang pagtatatag ng bagong Consulate General sa Miami, Florida upang mas mapagsilbihan ang mga Pilipino sa timog-silangang bahagi ng Estados Unidos at sa Caribbean.
Ayon sa Pangulo, inaasahang magbubukas ang mga bagong tanggapan ng mas maraming oportunidad para sa kooperasyong pang-ekonomiya, pagpapalitang pangkultura, at mas matibay na ugnayang pampulitika ng Pilipinas sa iba pang bansa.










