
Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na lumipat na ang pamahalaan mula sa reactive patungo sa predictive disaster response upang mas mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga lugar na apektado ng kalamidad.
Ayon sa Pangulo, nakapagbigay na ang gobyerno ng hindi bababa sa ₱3 bilyong ayuda sa mahigit 600,000 pamilyang naapektuhan ng mga lindol sa Visayas at Mindanao. Aniya, pinalakas din ang disaster response infrastructure sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga disaster resource center, hubs, spokes, at last-mile facilities na nagbibigay-daan upang maihatid ang relief goods sa loob ng 24 oras.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na nakahanda nang gamitin ang Mobile Energy Systems, Government Emergency Communications System, at satellite-to-mobile service upang matiyak ang suplay ng kuryente at komunikasyon sa panahon ng kalamidad. Dagdag pa niya, ipatutupad na rin ang konsepto ng State of Imminent Disaster upang mas maagap ang paghahanda bago pa tumama ang sakuna.
Bukod dito, inanunsyo ng Pangulo ang pagtatayo ng mga Ligtas Pinoy Center sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo, kabilang ang Bicol, Eastern Samar, Bukidnon, at Davao de Oro. Hinimok din niya ang Kongreso na pag-aralan ang pag-amyenda sa National Building Code upang matiyak na ang mga gusali sa bansa ay naaayon sa mas mataas na pamantayan at mas matatag laban sa malalakas na bagyo at lindol.










