
Muling pinabulaanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga usap-usapan tungkol sa kanyang kalusugan matapos siyang magbuhat ng sako ng bigas sa isang distribusyon sa Maynila.
Sa naturang aktibidad, personal na inabot ng Pangulo ang mga sako ng bigas sa mga benepisyaryo at ilang beses pa itong itinaas na tila nag-eehersisyo, bilang sagot sa mga kritisismong humihina umano ang kanyang kalusugan.
Pinangunahan din niya ang paglulunsad ng programang Biyayang Bigas para sa Maynila, na nagbibigay ng subsidiya sa bigas para sa mga manggagawa at pamilyang nangangailangan.
Tinatayang nasa 80,000 pamilya ang makikinabang sa programang tatagal ng anim na buwan.
Ang programa ay pinondohan ng Office of the President sa ilalim ng Financial Assistance to Local Government Units na nagkakahalaga ng P286 million.
Nauna nang itinanggi ni Marcos ang mga ulat tungkol sa kanyang kalusugan matapos siyang ma-ospital noong Enero dahil sa diverticulitis.
Ipinakita rin niya noon ang kanyang kondisyon sa pamamagitan ng pagtakbo at pag-eehersisyo sa Malacañang.
Sa kanyang mensahe sa aktibidad, iginiit ng Pangulo ang layunin ng kanyang administrasyon na tuluyang masugpo ang kagutuman sa bansa bago matapos ang kanyang termino, at binigyang-diin ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa mas mabilis na pamamahagi ng tulong.









