Nagbunga ng panibagong investment commitments mula sa mga kumpanyang Canadian ang opisyal na pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Vancouver, Canada, kabilang ang malalaking pamumuhunan sa sektor ng pagmimina, renewable energy, at information technology.

Ayon sa Pangulo, inaasahang magbubukas ang mga bagong proyekto ng mas maraming trabaho at kabuhayan para sa mga Pilipino. Kabilang sa mga nakuhang pangako ang US$1.9 bilyong pagpapalawak ng operasyon ng OceanaGold sa Nueva Vizcaya hanggang 2037, at US$14 milyong dagdag na pamumuhunan ng B2Gold para sa solar power facility ng Masbate Gold Project.

Sa kanyang pakikipagpulong sa Filipino community sa Vancouver, kinilala rin ni Marcos ang malaking ambag ng mga overseas Filipino sa ekonomiya at sa pagpapalakas ng magandang imahe ng Pilipinas sa ibang bansa.

Kasabay nito, sinalubong ng kilos-protesta ng ilang Pilipino sa Vancouver ang pagbisita ng Pangulo bilang panawagan sa pananagutan sa mga umano’y anomalya sa pamahalaan. Iginiit naman ng Malacañang na hindi magpapadala ang administrasyon sa anumang panggigipit at magpapatuloy ang imbestigasyon at pag-usig sa mga sangkot sa katiwalian. Ayon sa ulat, nakatakdang bumalik sa Pilipinas ang Pangulo at ang delegasyon nito ngayong Linggo matapos ang kanyang opisyal na pagbisita sa Canada.