Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Singapore Prime Minister Lawrence Wong upang talakayin ang mga hakbang para higit pang mapalakas ang ugnayan ng Pilipinas at Singapore sa larangan ng kalakalan, kalusugan, social development, at pamumuhunan.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), tinalakay rin ng dalawang lider ang pagpapalawak ng kooperasyon sa artificial intelligence at ang pagbuo ng mga bagong bilateral agreement na inaasahang magbibigay ng mas maraming benepisyo sa parehong bansa. Muli rin nilang pinagtibay ang kanilang suporta sa pagpapanatiling mapayapa, matatag, at maunlad ang rehiyon ng ASEAN.

Nasa Singapore si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanyang working visit mula Hulyo 14 hanggang 16. Nakatakda rin siyang makipagpulong sa mga business leader at mamumuhunan, habang magbibigay naman ng mensahe si First Lady Liza Araneta-Marcos sa Global Economic Cooperation East Summit.