Pormal na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tatlong bagong talagang ambassador ng Slovak Republic, Papua New Guinea, at Lao People’s Democratic Republic (Lao PDR), at nagpahayag ng kumpiyansa sa mas pinaigting na ugnayan ng Pilipinas sa mga nasabing bansa.

Sa pahayag ng Presidential Communications Office nitong Biyernes, sinabi na iniharap ng mga sugo ang kani-kanilang credentials sa isang simpleng seremonya sa Malacañang.

Kabilang sa mga bagong ambassador sina Stephen Pokanis ng Papua New Guinea, Miloš Koterec ng Slovak Republic, at Thiphasone Sengsourinha ng Lao PDR.

Ayon kay Marcos, isang “great honor” para sa kanya ang pagtanggap kay Koterec bilang kauna-unahang resident ambassador ng Slovakia sa Pilipinas. Aniya, marami pang maaaring paunlarin at pagtulungan ang dalawang bansa, kabilang ang iba’t ibang larangan ng kooperasyon sa panahon ng panunungkulan ng envoy.

Ipinahayag din ng Pangulo ang optimismo na patuloy na lalalim ang relasyon ng Pilipinas at Papua New Guinea, partikular sa aspetong pang-ekonomiya at people-to-people ties.

-- ADVERTISEMENT --

Tungkol naman sa Lao PDR, sinabi ni Marcos na matibay ang pundasyon ng ugnayan ng dalawang bansa, hindi lamang sa bilateral relations kundi maging sa pakikipagtulungan sa loob ng ASEAN. Gayunman, iginiit niya na marami pang maaaring gawin upang higit pang mapaigting ang relasyon.

Sa kanyang panig, tiniyak ni Koterec ang buong suporta ng Slovakia sa pagpapalawak ng konkretong bilateral cooperation, kabilang ang economic cooperation, investments, at business partnerships. Binanggit din ang potensyal sa pagpapalitan ng kaalaman at karanasan sa nuclear technology, education cooperation, academic partnerships, at mobility ng mamamayan.

Kinilala rin ng Pangulo ang mahalagang ambag ng tinatayang 1,500 Pilipino na nagtatrabaho sa iba’t ibang sektor sa Slovakia, at tinanggap ang hangarin ng Slovak Republic na sumali sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia.

Samantala, binigyang-diin ni Pokanis ang matatag na kooperasyon ng Pilipinas at Papua New Guinea sa kalakalan at food investments, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at pagpapalitan ng mamamayan sa nakalipas na 50 taon.

Tiniyak naman ni Sengsourinha ang kanyang buong komitment na higit pang isulong ang mabuting bilateral relations at kooperasyon ng Lao PDR at Pilipinas sa mga susunod na taon.