
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nasa mabuti siyang kalagayan ng kalusugan sa kabila ng mga kumakalat na espekulasyon sa social media na siya ay may karamdaman.
Sa isang panayam, sinabi ng pangulo na patuloy niyang binabantayan ang kaniyang kalusugan, lalo na ang kaniyang timbang, at nagpapasalamat siya sa mga nag-aalala para sa kaniya.
Iginiit din ni Marcos na hindi dapat seryosohin ang mga kumakalat na impormasyon sa social media tungkol sa kaniyang kalagayan at wala umanong dapat ipag-alala ang publiko.
Dagdag pa niya, nakabalik na siya sa kaniyang regular na gawain sa nakalipas na tatlong buwan at handa na siyang ipagpatuloy ang kaniyang trabaho bilang pangulo.
Ayon kay Marcos, wala naman siyang ipinagbabawal na pagkain ngunit iniiwasan niya ang mga mamantikang pagkain bilang bahagi ng pag-aalaga sa kaniyang kalusugan.
Samantala, sinabi ng Malacañang na naghahanda itong magsampa ng reklamo laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kalagayan ng pangulo, at kasalukuyang kinakalap ang mga ebidensiya para rito.










