Nagpakitang gilas si Mark Magsayo matapos niyang mabilis na talunin si Feargal McCrory sa pamamagitan ng technical knockout sa co-main event ng Zuffa Boxing 5 kaninang umaga, oras sa Pilipinas sa UFC Apex sa Las Vegas, Nevada.

Sa ikalimang round, nagpakawala si Magsayo ng sunod-sunod na malalakas na suntok laban sa bugbog nang si McCrory, dahilan upang pumasok ang kampo ng Irish boxer at ipahinto ang laban.

Komportable si Magsayo sa bago niyang weight class na 135 pounds, kung saan nanaig ang kanyang bilis at lakas laban sa kalaban.

Kapansin-pansin din ang kanyang kumpiyansa at pagiging relaxed sa buong laban.

Ang 30-anyos na boksingerong mula Bohol ay agad na nagdikta ng laban mula pa sa unang round, at paulit-ulit na tumatama ng mas malilinis at mas mabibigat na suntok kahit sinusubukan ni McCrory na umatake.

-- ADVERTISEMENT --

Naganap ang turning point sa ikaapat na round nang tamaan ni Magsayo ng eksaktong right hand si McCrory na muntik nang matumba.

Sinundan pa niya ito ng isa pang malakas na suntok bago matapos ang round, na naglatag ng daan para sa panalo sa sumunod na round.

Dahil sa panalo, umangat ang rekord ni Magsayo sa 29-2 at lalo niyang pinagtibay ang kanyang pangalan bilang isa sa mga inaasahang magiging pangunahing bituin ng Zuffa Boxing, na suportado ng parehong grupo sa likod ng Ultimate Fighting Championship.