Pinag-aaralan ng Malacañang ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga mahuhuling nagtatapon ng basura sa maling lugar bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang pagbaha sa bansa.

Ayon kay Palace Press Officer UndersecretaryClaire Castro, may mga naitalang insidente ng mga taong nagtatapon ng basura sa mga estero at maging sa bintana ng mga umaandar na sasakyan. Hinimok niya ang publiko na maging responsable sa wastong pagtatapon ng basura at huwag nang makadagdag sa mga sanhi ng pagbaha kung hindi man makatulong sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig.

Samantala, sinabi rin ni Usec. Castro na binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rehabilitasyon ng Navotas Fish Port Complex. Aniya, mas maluwag, mas ligtas at mas handa na ngayon ang pasilidad para sa paglago ng negosyo matapos ang isinagawang rehabilitasyon, kumpara sa dati nitong kalagayan na siksikan at madalas bahain.