Mararamdaman sa darating na buwan ng Abril at Mayo ang mas mainit na panahon sa Cagayan Valley dulot ng umiiral na El Niño phenomenon sa bansa.

Ito ang sinabi ni Local Weather Forecaster Engr. Romy Ganal dahil aniya sa pagpasok ng dry season o summer season na hudyat ng pagtatapos ng hanging amihan ngayong buwan ng Marso.

Paliwanag ni Ganal, ang malakas na bugso ng malamig na hangin at panaka-nakang pag-ulan na dulot ng amihan na nararanasan sa Cagayan Valley ay nakatulong upang maibsan ang epekto ng El Nino lalo na sa kalakasan nito nitong buwan ng Pebrero.

Bagamat nagsimula nang humina ang El Niño na tinatayang magtatapos sa buwan ng Abril subalit patuloy na mararanasan ang epekto nito hanggang Mayo o sa paglipat nito patungong neutral condition.

Mararanasan pa rin aniya ang below normal na rainfall condition at ang mainit na panahon subalit posibleng mabawasan dahil sa mga tiyansa ng ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat na dulot ng localized thunderstorm sa hapon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa Tuguegarao City na tinaguriang may pinaka-mainit na temperatura sa Pilipinas ay maaaring pumalo hanggang sa 41 degrees celcius lalo na sa tanghali hanggang hapon na nanganghulugan ng mas mataas na heat index o damang init.

Dagdag pa ni Ganal na mababa ang tyansa ng bagyo ngayong buwan ng Marso subalit lumalaki ang tyansa ng La Niña phenomenon sa mga susunod na buwan na magdadala ng mas marami sa normal na pag-uulan na dulot ng pagdaan ng mga bagyo.