TUGUEGARAO CITY-Mga manggagawa lamang ang papayagang lalabas sa kanilang tahanan ngayong isinailalim na ang buong probinsiya sa general community quarantine.

Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, 10 percent pero hindi lalampas sa 50 percent ang mga magbubukas na establishimento ngayong araw, May 1, 2020.

Aniya, ito ay para malimitahan ang paglabas ng mga manggagawa at para mapanatili pa rin ang social/physical distancing upang makaiwas sa virus.

Hindi rin pinapayagang lumabas sa kanilang bahay ang mga edad 20 pababa, senior citizen maging ang mga buntis dahil sila ay tinaguriang vulnerable sector ng covid-19.

Ngunit,kung sakali na may emergency at kailangang lumabas ang mga ito,kumuha lamang ng special purpose pass sa LGU kung saan nakatira para makalabas, ngunit ito ay maaari lamang gamitin sa loob ng kanilang bayan o siyudad .

-- ADVERTISEMENT --

Kung lalabas naman ng kanilang bayan ang mga nasabing indibidwal, tanging ang opisina lamang ng gobernador ang maaaring maglabas ng pass para sila’y makalabas ng kanilang munisipalidad

Bukod dito, sinabi ni Mamba na bagamat papayagan ang mga pampublikong sasakyan tulad ng van na bibiyahe, kailangan ay nasa tatlo hanggang apat lamang ang maaari nitong isakay sa kada byahe habang sa tricycle ay isa lamang.

Hindi naman papayagang makapasok sa Cagayan ang anumang uri ng pampublikong sasakyan na mula sa ibang probinsiya.

Paliwanag ng gobernador, ito ay bilang pag-iingat sa banta ng covid-19 at para hindi na lumaki ang bilang ng kaso ng virus sa probinsya.

Kaugnay nito, muling hinimok ni Mamba ang publiko na manatili sa tahanan kung wala namang importanteng pupuntahan.

Asahan din ang mas mahigpit na pagbabantay ng kapulisan.

Ayon kay Plt. Marjellie Gallardo, bagong tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office(CPPO),nasa 77 patrolman ang kanilang idinagdag sa iba’t-ibang bayan para magbantay sa mga nakalatag na checkpoint.

Aniya, mas magiging mahigpit ang kanilang pagbabantay lalo na dito sa lungsod ng Tuguegarao dahil magsisidatingan ang mga mamamayan lalo na ang mga manggagawa matapos payagang magbukas ang ilang establishimento.

Kailangang may maipakitang I.D at kailangan ito ay kabilang sa Authorized Persons Outside of Residence (APOR) para payagang makapasok sa lungsod.

Pinayuhan ni Gallardo ang lahat na panatilihin pa rin ang social distancing maging ang pagsusuog ng face mask para makaiwas sa virus.

Samantala, sinabi ni Gallardo ,umabot sa 3,554 ang nahuling indibidwal na lumabag sa R.A 11332 kung saan ang pinakamarami ang lungsod ng Tuguegarao, Peñablanca at Baggao.