Lumipad patungong Singapore si Davao City acting Mayor Baste Duterte kahapon ng umaga, dalawang araw bago ang nakatakdang charity boxing match laban kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III sa Rizal Memorial Coliseum.
Kumpirmado ito ng National Bureau of Investigation matapos siyang umalis sa Davao International Airport.
Matatandaan na hinamon ni Duterte si Torre na magsuntukan na lamang sila dahil umano sa pangha-harrass sa kanynang pamilya.
Tinanggap naman ni Torre ang hamon ni Duterte, subalit sinabi niyang gawin nila itong charity boxing match, at ang malilikom na pondo ay ibibigay sa mga apektado ng mga bagyo at habagat.
Sumunod ang vlog ni Duterte, kung saan naglatag siya ng kundisyon na hilingin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipag-utos na lahat ng mga halal na opisyal ay sumailalim sa hair follicle drug test.
Habang wala pa si Duterte, sinimulan na ng PNP ang pag-setup ng boxing ring, at tiniyak ng Games and Amusements Board (GAB) na may professional referee at medical team na nakaantabay para sa laban.
Samantala, nanawagan naman si Congressman Paolo “Pulong” Duterte na lumagda ng waiver si Torre upang alisin ang pananagutan ng kanyang kapatid sakaling may mangyaring masama, at iminungkahi na sumailalim din sila sa drug test bago ang laban.