Sumuko si Albuera, Leyte Mayor Rolan “Kerwin” Espinosa sa National Bureau of Investigation matapos na maglabas ang Cebu City Regional Trial Court Branch 14 ng warrant of arrest laban sa kanya at apat na iba pa kahapon sa kasong murder.

Sinabi ni Espinosa na hindi na niya hinintay na arestohin siya ng mga awtoridad, kasabay ng hiling na ipanalangin siya na walang mangyayaring masama sa kanya.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Kinasuhan si Espinosa noong September 2024 dahil sa umano’y pagpatay sa Baybay City.

Ayon sa kampo ni Espinosa, wala silang malinaw na impormasyon sa background ng kaso laban sa mayor.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Espinosa na ang kaso ay isa na namang taktika umano ng kanyang mga kalaban sa pulitika para maagaw ang kanyang posisyon bilang alkalde.

Kasabay nito, tiniyak ni Espinosa na magpapatuloy ang mga serbisyo at mga panukalang mga proyekto sa susunod na mga buwan, sa kanyang kapatid na si Vice Mayor Mariel Espinosa, lalo na ang pagpapatayo ng isang ospital.