Muling uupo bilang alkalde ng Enrile, Cagayan si incumbent Mayor Miguel Decena para sa kanyang ikalawang termino.

Ito ay makaraang makakuha si Decena ng malaking kalamangan sa dalawang naging katunggali sa mayoralty race.

Lubos naman ang pasasalamat ng alkalde sa mga nagtiwala upang maging ama muli ng Enrile at sinabing ipagpapatuloy niya ang mga naumpisahang pagbabago.

Sa kabila naman ng mga naitalang karahasan sa kasagsagan ng pangangampanya at pagbuwis ng buhay ng isang purok leader sa Brgy Roma, nanawagan si Decena ng pagkakaisa para mapagsilbihan ang mga taga-Enrile.

Ipinauubaya na aniya nito sa pulisya ang paglutas sa kaso kabilang na ang pagsasampa ng kaso laban sa umanoy pambubugbog ng isang Sangguniang Bayan candidate sa kanyang tauhan.

-- ADVERTISEMENT --

Pinasalamatan rin nito ang hanay ng pulisya sa pagganap ng kanilang tungkulin upang matiyak ang mapayapang halalan.

Maliban kay Decena ay naiproklama na rin kaninang umaga bilang bise-alkalde ang kanyang running mate na si Vice Mayor Christina Magbitang at walong miyembro ng Sangguniang Bayan kung saan anim rito ay kapartido ng alkalde at dalawang Independent.