Naglunsad ng hot pursuit operation ang kapulisan sa mga responsable sa pamamaril sa alkalde ng bayan ng Rizal, Cagayan at isa pa nitong kasama sa Barangay Hall ng Brgy. Illuru Sur, dakong 9:30 kagabi, Abril 23, 2025.
Batay sa report ng Police Regional Office 2, kinilala ang mga biktima na sina incumbent Mayor Atty. Joel Ruma at isang Merson Abiguebel.
Ayon sa mga otoridad, agad silang isinugod sa Tuao District Hospital para sa agarang lunas, subalit idineklarang dead on arrival si Mayor Ruma ng umasikasong doktor.
Kaagad namang kumilos ang Rizal Police Station katuwang ang iba pang units ng Cagayan Police Provincial Office kabilang ang mga patrol units at nagpadala ng flash alarm sa lahat ng istasyon ng pulisya sa Rehiyon Dos.
Ipinapatupad rin ngayon ang mga high-risk checkpoints sa mga karatig-bayan upang maharangan ang pagtakas ng mga suspek.
Kaagapay din ng lokal na kapulisan ang Cagayan PNP Provincial Forensic Unit upang masusing maimbestigahan ang pinangyarihan ng insidente.
Samantala, nagsasagawa na rin ng clearing operations ang Regional Mobile Force Battalion 2 sa lugar.
Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek at tunay na motibo ng krimen.
Hinihikayat naman ng pamunuan ng PRO2 ang publiko na agad ipagbigay-alam ang anumang impormasyon na makakatulong sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng mga responsable sa krimen.
Kaugnay nito, kinondena ng liderato ng PNP Region 2 ang pamamaril na itinaon pa sa panahon ng halalan.
Tiniyak naman ng mga otoridad na gagawin ang makakaya para maipagkaloob ang hustisya sa mga biktima sa naturang krimen.