
Nilinaw ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que na umiiral na mula pa noong 2019 ang ordinansang nagbabawal sa paggamit ng motorsiklo sa paghahatid ng pasahero kapalit ng bayad.
Ayon kay Ting-Que, nag-operate umano ang JoyRide sa lungsod nang walang aplikasyon sa Business Permits and Licensing Office o BPLO at walang naipakitang memorandum mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na nagpapahintulot sa operasyon nito sa Region 2.
Binigyang-diin ng alkalde na wala siyang kapangyarihang amyendahan ang umiiral na ordinansa dahil nasa Sangguniang Panlungsod ang kapangyarihang magpasa at magbago ng mga lokal na batas.
Kaugnay nito, nakatakdang magsagawa ng dayalogo ngayong linggo ang lokal na pamahalaan kasama ang mga kinauukulang ahensiya at mga rider upang linawin ang legalidad ng operasyon ng mga motorcycle-for-hire service sa lungsod.
Hiniling na rin ni Ting-Que ang pakikilahok ng PNP, LTFRB, Department of Information and Communications Technology o DICT at Land Transportation Office o LTO sa naturang dayalogo.
Sa inilabas na public advisory, pinayuhan ang publiko na mag-ingat sa paggamit ng mga hindi awtorisadong motorcycle-for-hire service, kabilang ang JoyRide, Angkas, habal-habal at iba pang katulad na serbisyo.
Samantala, umani naman ng puna ang nasabing hakbang ng alkalde, dahil sa alegasyong pinapaboran nito ang mahigit walong libong tricycle driver at operator sa lungsod, na itinuturong malaking grupo ng mga botante tuwing eleksiyon.
May pangamba rin kasi na kung papayagan ang operasyon ng mga motorcycle-for-hire service, posibleng mabawasan ang mga pasaherong sumasakay sa mga tricycle na namamasada sa Tuguegarao City.
Gayunman, iginiit ni Ting-Que na kailangang isaalang-alang ang umiiral na ordinansa, kaligtasan ng mga pasahero at kabuhayan ng mga tricycle driver habang pinag-uusapan ang usapin.






