Suportado ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang naging pagpapasya ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na palawigin pa ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa lalawigan hanggang May 31.
Naniniwala si Mamba na kailangang palawigin ang MECQ sa Cagayan upang makontrol ang pagkalat ng virus at mapababa pa lalo ang aktibong kaso.
Ayon sa gobernador, nabawasan ang bilang ng COVID-19 patients sa mga ospital at mga quarantine facilities ngunit maituturing pa ring mataas ang bilang ng aktibong kaso sa lalawigan na mahigit isang libo, sa gitna ng MECQ.
Idinagdag pa ni Mamba ang mahigit 100 pang pasyente na naka-home quarantine sa lungsod ng Tuguegarao.
Iginiit niya na mas magandang gamitin ang mga isolation facilities kaysa home quarantine na malaki ang posibilidad ng hawaan ng virus.
Bukod sa Tuguegarao, tinututukan din ng pamahalaang panlalawigan ang bayan ng Baggao, Solana, Lal-lo at Aparri dahil sa taas-baba na datos ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Muli ring ipinaalala ni Mamba sa mga LGUs na mahigpit na ipatupad ang social distancing, kabilang na dito ang pagbabawal sa mga mass gathering tulad ng kasal bilang hakbang laban sa pagkalat ng virus.
Tiniyak naman nito na nakahanda ang provincial government na umalalay sa mga LGUs kaugnay sa mga ayudang ipapamahagi sa mga pinaka-apektadong residente.
Mula noong May 10, 2021 ay nasa ilalim na ng MECQ ang Cagayan at matatapos sana ngayong araw, May 23 ngunit inaprubahan ng IATF ang rekomendasyon ng Screening and Validation Committee na mapanatili ang MECQ classification nito.
Kabilang sa ilang lugar sa bansa na nasa ilalim pa din ng MECQ ay ang Iloilo, Benquet, at Apayao dahil pa din sa pagdami ng mga kaso ng Covid-19.