TUGUEGARAO CITY-Pinalawig ang pagpapatupad ng Modified enhanced Community Quarantine (MECQ) sa lungsod ng Tuguegarao simula kaninang alas 12 ng hating gabi hanggang Abril 30 dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng covid-19 sa lungsod.
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano,inaprubahan ng Inter-Agency Task Force ang kanilang kahilingan na palawigin ang MECQ para makontrol ang paglabas ng publiko sa kanilang mga tahanan.
Aniya, walang nabago sa mga alituntunin maliban lamang sa pagpapatupad ng 30 percent workforce sa mga opisina sa araw ng Lunes hanggang Miyerkules at 10 percent sa araw ng Huwebes at Biyernes.
Sinabi ng alkalde na kailangang limitahan ang mga pumapasok na empleyado dahil sa pagkakaroon ng hawaan sa loob ng opisina.
Agad na ring isasailalim sa lockdown ang buong bahay kapag nagkaroon ng dalawang miembro ng pamilya na maitalang positibo sa virus at mga barangay officials na ang naatasan na magbigay ng kanilang mga kakailanganin sa loob ng bahay.
Siniguro rin ng alkalde na kung sasailalim sa home quarantine ang isang pasyente ay titignan muna ng city health office ang kondisyon ng bahay para matiyak na may sapat na espasyo o kwartong nakahiwalay para sa pasyente.
Pinasalamatan naman ni Soriano ang 40 senior students na kumukuha ng medisina mula sa Saint Paul University dahil sa boluntaryong pagbibigay ng serbisyo sa mga nakasailalim sa home quarantine para makita pa rin ang kondisyon ng bawat nagpopositibo sa virus.
Sa ngayon, sinabi ni Soriano na mayroong 1,013 na aktibong kaso ng virus sa lungsod kung kaya’t muli siyang nanawagan sa publiko na sumunod sa mga ipinapatupad health protocols para hindi mahawaan sa virus.