Target ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpatayo ng malalaking river at coastal dike projects para makatulong na maprotektahan ang mga flood-prone na lugar sa Bulacan at ilang bahagi ng Pampanga.

Ito ang inihayag ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon matapos inspeksyunin kasama si Cabinet Secretary Benhur Abalos ang ilang flood control projects sa Hagonoy at Paombong, kabilang ang mga substandard at umano’y hindi naman talaga naitayo.

Ayon kay Dizon, malaking problema sa Hagonoy ang lokasyon nito dahil napaliligiran ng mga anyong tubig kabilang ang Pampanga River at Manila Bay. Ang bayan ay dapat sanang napoprotektahan ng isang megadike, ngunit pira-piraso lamang ang mga dike at may ilan pang nasira.

Magsasagawa sa susunod na linggo ng pag-aaral ang mga eksperto at planning engineers ng DPWH para makapaglatag ng plano para sa isang gumaganang dike system sa Hagonoy.

Sa Paombong naman, napag-alamang hindi angkop ang disenyo ng ilang coastal dike sa mga barangay ng Sta. Cruz at Masukol dahil ginawa umano itong parang river dike kahit nakaharap sa dagat. Sinabi ni Dizon na aayusin ito at sasagutin ng mga contractor ang gastos sa mga kinakailangang repair dahil saklaw pa ito ng warranty.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, maglalaan din ang DPWH ng pondo para sa mga concrete hexapod na makatutulong upang bawasan ang lakas ng mga alon. Hindi umano ito kasama sa orihinal na kontrata ngunit kinakailangan para sa coastal protection.

Kasama rin sa pangmatagalang plano ang pagtatayo ng megadike sa Bulacan upang maprotektahan ang mga komunidad mula sa tubig na nagmumula sa Pampanga River, gayundin ang Manila Bay Coastal Defense Dike Project na inaasahang aabot mula Metro Manila hanggang Bulacan, Pampanga at Bataan.

Ayon kay Dizon, nagpahayag na ng suporta sa pagpopondo sa Manila Bay project ang Asian Development Bank.

Gayunman, aminado ang kalihim na hindi agad maaayos ang problema sa pagbaha dahil malalaki at pangmatagalan ang mga proyekto. Target ng DPWH na unahin ang mga prayoridad na lugar at pabilisin ang flood control works upang may makitang resulta pagsapit ng susunod na tag-ulan.

Dagdag ni Dizon, hindi matatapos sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ang lahat ng kinakailangang flood control projects kaya maghahanda ang pamahalaan ng multi-year appropriation para maipagpatuloy ang mga ito ng susunod na administrasyon.