Boluntaryong sumuko sa pulisya ngayong araw ang isang 15-anyos na babae na kasapi umano ng New Peoples Army (NPA) sa Sto Niño, Cagayan.
Kinilala ang sumuko sa alyas na “Ka Daniella”, mula sa tribong aeta at residente sa Barangay Calassitan.
Batay sa salaysay ni “Ka Daniella”, sinabi ni P/Capt. Ranulfo Gabatin, hepe ng Sto. Niño Police Station, na siya ay nirecruit na sumapi sa rebeldeng agrupo noong January 2018 at dinala sa bayan ng Allacapan sa pamumuno ni “Ka Rico”.
Nagsilbi umano bilang assistant squad medic ng NPA si “Ka Daniella” na nagpalipat-lipat ng operasyon hanggang sa Apayao bago ito nagpasyang tumakas noong buwan ng Agosto, 2018 dahil sa hirap ng buhay sa kabundukan.
Hanggang sa nagpasya itong sumuko sa otoridad na sinamahan ng kanilang lider sa tribu at mga opisyal ng Barangay dahil sa pangambang balikan o muli siyang hikayatin ng NPA na sumapi sa kanilang grupo.
Bagamat walang isinukong armas, sinabi ni Gabatin na nakita sa ginawang demonstrasyon na bihasa ang bata sa paghawak ng mga matataas na kalibre ng baril.
Tiniyak ni Gabatin na may livelihood at financial assistance na matatanggap ang bata sa ilalim ng E-CLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program.