Nasawi ang isang 12-anyos na batang babae matapos masabugan ng hinihinalang granada na napulot umano niya sa likod ng kanilang bahay sa Barangay Labangal, General Santos City.
Batay sa ulat, ikinagulat ng pamilya at mga kapitbahay ang malakas na pagsabog na narinig mula sa likod ng bahay ng biktima.
Agad nilang pinuntahan ang pinagmulan ng pagsabog at tumambad sa kanila ang batang nakahandusay sa duyan, wala nang buhay at halos hindi na makilala dahil sa tindi ng pinsalang tinamo.
Ayon sa nakatatandang kapatid ng biktima, napulot umano ng bata ang isang lata na hinihinalang naglalaman ng pampasabog.
Habang papunta ito sa duyan, bigla na lamang sumabog ang nasabing lata.
Hinihinala ng mga awtoridad na posibleng granada ang laman ng lata, na maaaring hindi maayos na naitapon ng sinumang dating nagmamay-ari.
Napag-alamang dati nang may alitan sa lupa sa lugar, at nitong nakaraang buwan, may naunang ulat rin tungkol sa isang rifle grenade na natagpuan sa kalapit na lugar.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad habang sinisikap din nilang makuha ang panig ng barangay hinggil sa insidente.