Dead on arrival sa pagamutan ang isang menor de edad matapos ang salpukan ng dalawang motorsiklo sa Barangay Sampaguita, Solana, Cagayan.
Kinilala ng Cagayan Police Provincial Office ang namatay na si alyas Marvin, 14-anyos, habang sugatan ang kanyang angkas na si alyas Adel 15-anyos, kapwa residente sa bayan ng Piat.
Nasugatan din sa insidente ang driver ng isa pang motorsiklo na si alyas Jordan, 28-anyos, binata, residente ng bayan ng Alcala.
Lumalabas sa imbestigasyon, na nasa magkasalungat na direksion ang dalawang motorsiklo, kung saan patungo sa Alcala ang motosiklo ni Jordan habang galing naman ng Piat sina Marvin at Adel.
Nang makarating sila sa pinangyarihan ng insidente, biglang pumasok sa kabilang linya ng kalsada ang motorsiklo na minaneho ni Marvin na dahilan ng banggaan.
Tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo na nagtamo ng mga sugat sa kanilang katawan, na dinala sa ospital ng mga sumakloklo.