Iniulat ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que sa kanyang State of the City Address (SOCA) ang mga naging accomplishment ng lungsod sa ilalim ng kanyang pamumuno, kasabay ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng cityhood ng Tuguegarao.

Sa unang bahagi ng kanyang SOCA, binigyang-diin ni Mayor Que ang kanyang suporta sa mga kapulisan at ang mga programa ng scholarship para sa mga mag-aaral na walang kakayahan mag-aral.

Kasama rin sa mga proyekto ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa tulong ng iba’t ibang organisasyon.

Ipinagmalaki rin niya ang “Bahay-Bahayanihan” program na nakatanggap ng pagkilala bilang isa sa mga pinakamahusay na programa dahil sa malalim na epekto nito sa mga pook na may mababang kita sa Tuguegarao.

Sa kasalukuyan, 46 na kabahayan na ang na-turnover, habang ang iba pa ay patuloy pang itinatayo.

-- ADVERTISEMENT --

Isa pa sa mga ipinagmalaki ng alkalde ang pagtatayo ng 80 fishponds na libre para sa mga magsasaka kung saan, walang kailangang gastusin ang mga magsasaka sa proyekto.

Bukod dito ay magkakaroon din ng pamamahagi ng fertilizers, rice at yellow corn seeds ang lokal na pamahalaan ng Tuguegarao sa susunod na taon.

Hindi rin nakalimutan ni Mayor Que na ipahayag ang mga pagsubok na hinarap ng mga magsasaka, lalo na ang mga epekto ng sunod-sunod na bagyo na nagdulot ng pagkasira ng mga pananim sa nakaraang mga buwan.

Bilang bahagi rin ng selebrasyon ng ika-25 na taon ng cityhood ng Tuguegarao, nagbigay-pugay ang alkalde sa mga natatanging Tuguegaraoeneos kung saan labing-lima sa mga ito ang nakatanggap ng parangal, na siyang simbolo ng patuloy na pag-unlad ng lungsod at ng mga ambag nito hindi lamang sa lokalidad kundi pati na rin sa pambansang antas.