Karaniwan na may problema umano na pinagdaraanan ang mga lulong sa pagsusugal.
Ipinaliwanag ni Dr. Miko Amensec, isang addiction specialist, nagsisimula ang addiction kapag ang isang tao ay naeenggyo na magsugal, tulad ng kung may pangangailangan o nayayaya, o kung minsan, karaniwan ay may pinagdaraanan.
Sinabi niya na ang pagsusugal ang nagiging stress reliever ng mga ito.
Ayon pa sa doktor, ang adiksyon sa sugal, may kinalaman sa kemikal sa utak na tinatawag na dopamine na konektado sa kasiyahan ng isang tao.
Sinabi niya na magsisimula silang magsugal, at kahit sa konting panalo ay masaya na sila.
Subalit kapag nalungkot na naman ang mga ito, hahanapin na naman nila ang saya na naibibigay ng sugal.
Pero habang tumatagal aniya sa pagsusugal ay nagiging insensitive ang utak sa dopamine.
Kabilang aniya sa mga senyales para masabing lulong na sa sugal ang isang tao ay ang paghahabol ng talo, pagsisinungaling, pataas nang pataas na pagtaya, pre-occupation at craving.
Para magamot ang adiksyon sa sugal, maaaring komunsulta sa doktor para maresetahan ng gamot na makakapagpanumbalik ng dating dopamine sensitivity ng utak at mawala ang craving.
Sinasailalim din sila sa therapy kung saan inaalam ang problema ng isang tao at mga dahilan sa pagsusugal.
Ayon kay Amansec, kailangan na alamin ang ugat ng problema upang maitama ang addiction sa sugal.
Pinapayuhan din daw nila ang mga pasyente na magkaroon ng mas malusog na mga gawain tulad ng pag-e-ehersisyo, paggawa ng art o ibang malikhain na libangan, at bonding kasama ang pamilya.