Imposible ang mga akusasyon ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na inutusan umano siya ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na magpasok sa bicameral conference committee ng P100 bilyong halaga ng proyekto sa 2025 National Budget.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, walang kredibilidad si Co lalo’t nauna itong umalis ng bansa sa gitna ng pagputok ng issue.

Mahirap aniya paniwalaan lalo’t mismong ang Pangulo ang nag-utos ng imbestigasyon dito.

Samantala, nauna na ring sinabi ni Senator Ping Lacson na Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) na walang probative value ang pahayag ni Co dahil hindi ito sinumpaan.

Duda rin ang mambabatas kung bakit sa bicam pa ipapasingit ang proyekto kahit mas kaya itong gawin sa National Expenditure Program (NEP).

-- ADVERTISEMENT --

Kahapon, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na hindi sila pwedeng magsagawa ng sariling imbestigasyon dahil lamang sa mga pasabog ni Co at kailangan na may maghain muna sa kanila ng reklamo.