Inaasahan ng Office of the City Agricultural Services ang pagbaba ng ani ng palay ng hanggang 30% sa kasalukuyang taniman dahil sa matinding pinsalang dala ng sunod-sunod na bagyo sa sektor ng agrikultura sa lungsod ng Tabuk, Kalinga.

Ayon kay City Agriculturist Lim Ducyogen, posibleng bumaba sa 40 hanggang 70 kaban kada ektarya ang ani ng palay mula sa dating target na 80 hanggang 100 kaban.

Ang magkasunod na bagyong Kristine at Nika ay nag iwan ng pinsala sa halos 5,000 ektarya ng palayan, kung saan nasa 1,000 ektarya ang naapektuhan ni Bagyong Nika kung saan pinadapa ng malakas na hangin ang mga pananim na nasa yugto ng pamumulaklak, na pinaka-sensitibo sa ganitong estado.

Aniya, ang mga nakaligtas noong bagyong Kristine, ay tuluyang sinira ni bagyo Marce at Nika dahil ang mga hindi pa naani ay mas lalong pinadapa ng mga naturang bagyo.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ang OfCAS ng monitoring at onsite inspection ng mga napinsalang lupang sakahan sa lahat ng barangay.

-- ADVERTISEMENT --

Habang hinihikayat ang mga magsasaka na i-report ang pinsala sa kanilang pananim sa palay, mais, at high-value crops sa kanilang opisina o barangay upang maisama sa master list na isusumite sa pamahalaang probinsyal at Department of Agriculture-Cordillera para sa posibleng tulong.

Pinayuhan din ang mga insured na magsasaka sa ilalim ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na agad i-report ang pinsala sa kanilang pananim upang mapabilis ang pagproseso ng kanilang mga claim.

Samantala, inatasan ni Mayor Darwin C. Estrañero ang OfCAS na pabilisin ang damage assessment sa agrikultura at tulungan ang mga insured na magsasaka sa pagproseso ng kanilang indemnity payments mula sa PCIC.

Nanawagan din ang alkalde sa publiko, mga opisyal ng barangay, at mga ahensya ng gobyerno na manatiling alerto sa posibilidad ng pagdating ng dalawang bagyo sa hilagang Luzon sa mga susunod na linggo.