Sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isang lalaking nag-aalaga ng mga panabong na manok matapos mahulihan ng mga baril at bala sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan.

Nahuli si alyas “Lando” na residente ng Brgy. Jurisdiction, Camalaniugan sa pamamagitan ng dalawang Search Warrant na isinilbi ng mga otoridad sa kanyang tahanan at sa kanyang chicken farm.

Ayon kay PCAPT Jessie Alonzo, hepe ng PNP-Camalaniugan, ang pagkakahuli sa suspek ay matapos ireklamo ng kanyang mga kapitbahay na nagpapaputok ito ng baril at ginagawang firing range ang kanyang farm.

Nakuha sa pag-iingat ni alyas Lando ang mga 36 na piraso ng mga bala ng cal. 38 at cal. 22 sa kanyang tahanan habang narekober naman sa kanyang farm ang mga baril gaya ng limang piraso ng cal 38 na baril kung saan ang isa nito ay original; isang long riffle at isang improvised ng cal. 22 na baril na pawang walang mga lisensya.

Sinabi ni Alonzo na aminado naman ang suspek na sa kanya ang mga iligal na baril at bala na apat na buwan na niyang nabili sa kasamahang mananabong.

-- ADVERTISEMENT --

Katwiran naman ng suspek na kanyang binili ang mga baril bilang proteksyon sa kanyang farm na nasa bulubunduking bahagi ng Camalaniugan.