Ibinunyag sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na ilang pangalan ng sinasabing benepisyaryo ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ay tumugma sa records ng mga namatay na at mga menor de edad sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay PSA Assistant National Statistician Marizza Grande, may 34 signatories sa acknowledgment receipts na may single-match entries sa PSA records. Kabilang dito si Marlin Sunga, na ayon sa death certificate ay namatay noong Nobyembre 1965, dalawang buwan pa lamang ang edad.

Ipinakita rin sa paglilitis ang mga acknowledgment receipt nina Fortunato Salig na nagkakahalaga ng P200,000, Emilio Sagan na P70,000, at Rodolfo Traya na P120,000. Ayon sa PSA, may death records ang mga taong may ganitong pangalan na namatay noong 2011, 2015 at 2021.

Mayroon ding 20 menor de edad sa listahan ng OVP at lima sa DepEd. Kabilang sa mga ipinakitang receipt sina Miko Alquizar at Beatrice Cuenca na tig-P400,000, na kapwa ipinanganak noong 2022, gayundin si Mikay Delos Reyes na tumanggap umano ng P200,000 at tatlong taong gulang lamang noong 2023.

Samantala, nilinaw ni Senate Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na hindi pa napatutunayang ang mga taong nasa death records ay ang mismong mga indibidwal na nakapangalan sa acknowledgment receipts.

-- ADVERTISEMENT --

Tinukoy rin ni Grande bilang “unusual” ang ilang pangalan sa OVP payee list, kabilang sina Arthur Baon, Beverly Claire Pampano, Mathew N. Keso, Charles Sampaloc Jr. at Maxine Callos. Ayon sa PSA witness, wala siyang nakitang birth, marriage o death certificate para sa mga pangalang ito sa Civil Registry System database.

Layunin ng prosecution na ipakita na ang confidential funds ay umano’y na-liquidate gamit ang pangalan ng mga taong walang kaukulang PSA records, mga matagal nang namatay, at mga bata.