TUGUEGARAO CITY-Inirereklamo ang dalawang pulis sa bayan ng Baggao, Cagayan dahil sa umano’y panggugulpi sa tatlong residente ng Brgy. Sta. Margarita.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng biktimang si Jimmy Lazo, 31-anyos pasado alas onse ng gabi noong Mayo 31 nang mangyari ang umano’y pananakit at panunutok ng baril sa kanila.

Ayon kay Lazo, pauwi na siya sa kanilang bahay sa sitio Dapir, Brgy. Sta. Margarita kasama ang anak ng kaniyang amo na si Amboy Salipen lulan sa motorsiklo ng madaanan umano niya ang dalawang pulis na nakasakay sa private car at nakasuot ng sibilyan.

Kuwento niya na hinabol umano siya ng mga ito kung kaya’t huminto siya sa gilid.

Bumaba umano ang dalawang pulis sa kanilang sasakyan na nakilalang sina Police Master Sergeant Ratchie Elpedes at Police Corporal Olier Cabildo.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, tinanong ng mga pulis kung saan ang bahay ng kaniyang pinsan na si Joseph lazo sabay suntok ng ilang beses sa kaniyang sikmura at tinutukan ng baril.

Sa salaysay naman sa Bombo Radyo ni Joseph Lazo, tinutukan din siya ng baril at pinagsusuntuk sa kaniyang sikmura nang binuksan niya ang pintuan ng kanilang bahay.

Habang ang kaniyang pinsan na si Jimmy ay tumakbo at nagtago sa loob ng kaniyang bahay nang binuksan niya ang pintuan.

Pinipilit umano ng dalawang pulis na ituro ang kanilang ikinargang iligal na nilagareng kahoy.

Subalit, itinanggi ng mga ito na sangkot sila sa illegal logging activity sa Brgy. Sta. Margarita.

Nasaksihan pa umano ng kaniyang misis ang ginawang pangugulpi sa kaniya maging ang menor de edad na si Amboy na kasama ni Jimmy noong mangyari ang insidente ay sinuntok din umano ng mga pulis sa kaniyang tiyan kung kaya’t nakakaranas ngayon ng trauma.

Kuwento ng dalawa na nasa impluwenisya umano ng nakalalasing na inumin ang dalawang pulis ng mangyari ang insidente.

Sa ngayon, sinisikap ng Bombo Radyo na makuha ang panig ng dalawang pulis, subalit sa pahayag ng mga ito sa Police Regional Information Office, itinanggi ng dalawa ang akusasyon laban sa kanila

Samantala, desidido ang mga biktima na maghain ng reklamo sa ginawa umanong pang-aabuso sa kanila ng dalawang pulis. with reports from Bombo Marvin Cangcang