
Inilahad ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) ang umano’y mga kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang confirmation of charges kaugnay ng madugong kampanya kontra droga.
Sa unang araw ng pagdinig, ipinakita ni ICC Senior Trial Lawyer Julian Nicholls ang papel ng ilang personalidad na tinukoy bilang “co-perpetrators” sa umano’y mga pagpatay noong alkalde pa ng Davao City si Duterte.
Kabilang dito si Senador Ronald dela Rosa, na nagsilbing hepe ng Davao City Police Office noon, at si Senador Christopher Go, na naging special assistant at adviser ni Duterte.
Pinangalanan din sina dating Davao police chief Vicente Danao, dating National Bureau of Investigation (NBI) Davao Regional Director Dante Gierran, at dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Batay sa Document Containing the Charges (DCC) na inihain ng prosekusyon at inilabas ng ICC nitong mga nakaraang linggo, sina Go, Dela Rosa, Danao, Gierran at Aguirre ay kabilang umano sa mga nagplano upang “i-neutralize” ang mga pinaghihinalaang kriminal sa pamamagitan ng pagpatay.
Kasama rin sa dokumento bilang co-perpetrators sina dating PNP chief Oscar Albayalde at Isidro Lapeña.
Ayon kay Nicholls, umano’y may sistemang ipinatupad noon si Duterte na nagbunsod sa pagkakabuo ng grupong kilala bilang Davao Death Squad (DDS). Aniya, ang mga tinukoy na kasabwat ang umano’y nagpatupad ng mga utos, habang ang mga operatiba—kabilang ang ilang pulis at mga hitman—ang nagsagawa ng mga pagpatay.
Sa ikalawang araw ng pagdinig, inaasahang tatalakayin pa ng prosekusyon ang mas detalyadong papel ng mga umano’y kasabwat sa ipinatupad na war on drugs.









