
Nagpasya ang mga complainant sa ikatlo at ika-apat na impeachment complaints laban kay Sara Duterte na hindi na magsumite ng reply sa kanyang isinampang depensa.
Ito ay batay sa magkahiwalay na dokumentong inihain sa House Committee on Justice, na pinamumunuan ni Gerville Luistro, kung saan pormal nilang isinuko ang karapatan na tumugon pa.
Ayon kay Amando Ligutan, legal counsel ng grupo ng mga complainant na kinabibilangan ng mga pari, madre, at abogado, hindi umano direktang tinugunan ng bise presidente ang mga paratang laban sa kanya.
Samantala, sa hiwalay na pahayag na ibinahagi ni Paolo Ortega V, iginiit ni Nathaniel Cabrera, isa sa mga naghain ng ika-apat na reklamo, na walang bagong mahahalagang detalye sa naging sagot ni Duterte.
Sa halip, binigyang-diin na ang tugon ng bise presidente ay nakatuon lamang sa pangkalahatang pagtanggi, mga legal na argumento, at procedural na isyu.
Dahil dito, hiniling ng complainant sa komite na ipagpatuloy na ang pagsusuri kung may sapat na batayan ang impeachment complaint laban sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.










