Naglabas ng panibagong alegasyon ang mga dating bodyguard ni dating kongresista Zaldy Co matapos nilang pangalanan ang ilang personalidad na umano’y tumanggap ng mga delivery ng pera.

Sa isang press conference, ipinrisinta ng abogado ng mga bodyguard na si Atty. Levi Baligod ang apat na bagong testigo na nagdetalye ng umano’y paghahatid ng mga maleta at bag na may lamang salapi sa ilang opisyal ng gobyerno at personalidad sa media.

Kabilang sa mga pinangalanan sina Commission on Elections Chairman George Garcia, Senate President Francis Escudero, dating House Speaker Martin Romualdez, at Senador Erwin Tulfo.

Mariin namang itinanggi ni Garcia ang alegasyon at sinabing hindi nagtutugma ang mga pahayag ng mga nag-aakusa sa kanya.

Samantala, isang dating aide ni Co ang nagsabing nakapaghatid umano sila ng apat na maleta ng pera sa bahay ni Escudero. Wala pang pahayag ang senador hinggil sa akusasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nadawit din sa mga alegasyon ang broadcaster na si Arnold Clavio at kolumnistang si Mon Tulfo. Itinanggi ni Clavio ang paratang at hinamon ang mga nag-aakusa na magpakita ng ebidensya, habang pabirong tinawanan naman ni Tulfo ang umano’y cash deliveries.

Sa ngayon, nananatiling mga alegasyon pa lamang ang mga pahayag ng mga dating bodyguard at wala pang inilalabas na ebidensyang nagpapatunay sa mga paratang.