
Inakusahan ng ilang dating empleyado ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co si Atty. Levi Baligod at iba pa ng pag-aalok umano ng pera kapalit ng pagdawit kay dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa umano’y paghahatid ng malalaking halaga ng cash na nakalagay sa mga maleta.
Nasa supplemental counter-affidavit ni Representative Romualdez na isinumite sa Ombudsman nitong Biyernes, Agosto 21, ang mga sinumpaang salaysay ng 13 dating empleyado ni Co. Ayon sa kanila, inalok sila ng pera upang akusahan si Romualdez at si Co na tumanggap ng kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno.
Samantala, may 12 iba pang dating empleyado ni Co na nagsumite rin ng affidavit at nagsabing wala silang nakitang paghahatid ng cash kickbacks sa mga maleta habang sila ay nagtatrabaho kay Co.
Si Baligod ang dating counsel ng 18 dating bodyguard ni Co na una nang nag-akusa kay Romualdez. Humingi na ng pahayag ang GMA News Online kay Baligod hinggil sa mga alegasyon.










