Hinikayat ng Department of Agriculture Region 2 ang mga delivery truck owners na nagdedeliver ng mga agricultural products sa Metro Manila na mag-apply na ng food lane accreditation para sa exemption ng dagdag-singil sa toll.
Ayon kay Say Pacarangan, chief ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng DA-RO2 na ang application ay bukas sa mga supplier ng bigas, mais, livestock, poultry, process food products at iba pang agricultural products.
Maaaring idownload online at sagutan ang application form para sa mas mabilis na proseso at dalhin lamang ito sa AMAD Regional Center at sa mga istasyon nito sa ibat ibang probinsiya ng Cagayan.
Sinabi ni Pacarangan, kailangan ang akreditasyon para makakuha ng Radio Frequency Identification (RFID) para sa enrollment ng exemption sa mga tollways, kasama ng OR CR ng sasakyan at valid ID.
Ibabalik naman sa kanilang RFID account ang kanilang binayaran na toll hike mula nang ipatupad ito nitong unang araw ng Hunyo sakaling nakapasok na sa exemption program ang isang truck operator.
Layunin ng programa na maibsan ang gastusin ng mga truck operators na nagdadala ng mga agri-products sa Metro Manila na makakatulong din upang maibaba ang presyo nito pagdating sa mga pamilihan.