Nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na walang anumang dokumentong may kaugnayan sa imbestigasyon ng flood control anomalies ang nadamay sa sunog na nangyari kanina sa kanilang tanggapan sa Quezon City.

Partikular na nasunog rito ang opisina ng Bureau of Research and Standards.

Ayon sa DPWH, ang naturang opisina ang responsable sa pagsasagawa ng mga pag-aaral, pananaliksik, pilot testing, at pagbuo ng mga polisiya para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.

Batay sa inisyal na impormasyon, nagsimula ang apoy sa isang computer unit sa loob ng Materials Testing Division na sumabog umano at naging sanhi ng sunog.

Tiniyak naman ng ahensya na walang nasugatan o nasaktan na empleyado sa insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng imbestigasyon upang malaman ang lawak ng pinsala at matukoy ang mga hakbang para maiwasan ang gaya nitong insidente sa hinaharap.

Magbibigay rin ang kagawaran ng karagdagang impormasyon sakaling magkaroon ng bagong detalye tungkol sa insidente.