
Nanawagan ang Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA) sa pamahalaan na maglaan ng subsidiya kung tuluyang aalisin ang system loss charge sa singil sa kuryente. Ayon kay PHILRECA President at Zamsureco-1 General Manager Jose Raul Saniel, maaaring maapektuhan ang operasyon ng mga electric cooperative at ang rural electrification program kung aalisin ang naturang singil nang walang kapalit na suporta mula sa gobyerno.
Bagama’t sinusuportahan ng PHILRECA ang panukalang alisin ang value-added tax (VAT) sa system loss charge, sinabi ni Saniel na ang mismong system loss ay maliit lamang na bahagi o humigit-kumulang apat hanggang limang porsyento ng kabuuang bayarin sa kuryente. Aniya, mas makabubuting tutukan din ang generation charges na bumubuo ng 65 hanggang 70 porsyento ng electricity bill upang magkaroon ng mas malaking pagbaba sa presyo ng kuryente.
Ang pahayag ay kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na alisin ang system loss charge. Samantala, sinabi ng PHILRECA na patuloy itong makikilahok sa mga pagdinig sa Kongreso upang matiyak na hindi maaapektuhan ang serbisyo ng mga electric cooperative, lalo na sa mga liblib na lugar.










