TUGUEGARAO CITY-Sinermonan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang mga empleado ng kapitolyo kasunod ng kanilang flag raising ceremony kanina.
Sa halos isang oras na talumpati ni Mamba,pinagsabihan niya ang mga permanent o regular employees ng capitol na gawin ng tama at maayos ang kanilang mga trabaho.
Sinabi ito ni Mamba dahil sa obserbasyon nito na ipinapasa umano ng mga permanent employees ang kanilang mga trabaho sa mga casual at job order employees.
Kasabay nito ay inatasan niya si Provincial Administrator Rodolfo Alvarado na baguhin ang uniporme ng mga permanent employees, mga nasa legislative department at mga casual at job orders.
Ito aniya ay para mabilis na matukoy ang kinabibilangan ng isang empleado.
Pinagsabihan din niya ang mga department heads dahil sa kabiguan umano nila na ipaalam sa kanilang mga empleado ang mga napag-uusapan sa kanilang manage commitee o mancom meeting.
Binanggit din ni Mamba na may natanggap din siyang text message na may mga empleado umano na nililigawan ang mga mag-aaral na on the job training.
Dahil dito,sinabi ni Mamba na anumang oras ay pwedeng umalis sa provincial government ang mga ayaw sa kanyang pamamahala at sa mga ipinapatupad niya mga reporma umano sa kapitolyo.
Samantala,pinagsabihan naman ni Tuguegarao City Vice Mayor Bienvenido De Guzman na sa susunod na flag raising ceremony ay tiyakin na maayos na magawa ang pagtataas ng watawat ng bansa.
Ito ay matapos na bahagyang pumalpak ang pagtataas ng watawat kanina.