Binigyang-diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi maaaring pilitin ang mga empleyado na sumayaw o magtanghal sa Christmas party ng kanilang kumpanya dahil maituturing itong uri ng bullying.

Ayon kay DOLE-Central Visayas Information Officer Roberto Cabardo, dapat boluntaryo ang paglahok ng mga manggagawa sa mga pagtatanghal tuwing holiday party.

Babala ni Cabardo, maaaring magsampa ng reklamo ang mga empleyadong pinipilit na lumahok sa mga naturang aktibidad dahil maaari itong lumabag sa Labor Code.

Dagdag pa niya, hindi rin dapat parusahan o patawan ng anumang kaparusahan ang mga empleyadong tumatangging magtanghal, alinsunod sa mga proteksiyong nakapaloob sa Safe Spaces Act.