Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na hindi nila pinayagang maipasok sa Quezon City Jail–Male Dormitory ang mga gadget at ilang damit ng dating senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr.

Ayon kay BJMP spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera, tanging mga awtorisadong gamit lamang ang pinayagang maiwan sa loob ng kulungan.

Binigyang-diin din ng BJMP na walang espesyal na trato para kay Revilla.

Noong Miyerkules, binisita si Revilla ng kanyang mga anak at kapatid, subalit tumanggi silang magbigay ng pahayag sa media.

Si Revilla at ang ilan sa kanyang mga co-accused, kabilang ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways sa Bulacan, ay inilagay sa magkakahiwalay na selda habang isinasailalim sa mandatoryong pitong araw na quarantine.

-- ADVERTISEMENT --

Ang dalawa pang akusado na babae ay ililipat naman sa Quezon City Jail Female Dormitory sa Camp Caringal.

Matapos ang quarantine period, ilalagay si Revilla at ang iba pang akusado sa regular na selda kasama ang iba pang persons deprived of liberty (PDLs).

Ayon sa BJMP, gulay ang inihain sa kanya para sa hapunan at manok naman para sa tanghalian.

Inihayag din ng BJMP na magsusuot ng body camera ang mga jail guard upang maitala ang kanilang araw-araw na pakikisalamuha sa mga PDL.

Bagama’t nakapagpiyansa na si Revilla sa kasong graft, nananatili pa rin siya sa kustodiya ng BJMP dahil sa hiwalay na kasong malversation.